MANILA, Philippines - Dahilan sa pagtatanggol sa kaniyang ina, napatay sa saksak ng isang anak ang 45 anyos nitong ama sa gitna ng silakbo ng kinikimkim na matinding galit sa naganap na krimen sa Brgy. Libertad, Tungawan, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Rogelio Babatuan, nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siya nitong dagliang ikinamatay.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang tumakas na suspek na nakilala namang si Rogelio Babatuan Jr., 21 anyos.
Batay sa ulat, sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, naganap ang insidente sa tahanan ng pamilya Babatuan sa Brgy. Libertad, Tungawan, Zamboanga Sibugay kamakalawa dakong alas-5:15 ng hapon.
Sa imbestigasyon, nasa impluwensya ng alak ng umuwi ang nasabing biktima sa kanilang tahanan na inaaway na naman ang kaniyang misis na palagi nitong binubulyawan at sinasaktan.
Sa gitna ng pag-aaway ng mag-asawa nang akmang bubugbugin na namang muli ng biktima ang ginang na isinalya nito ay bigla na lamang humagip ng matalim na kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang ama na napuruhan sa insidente.