LUCENA CITY, Quezon, Philippines - – Arestado ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 51-anyos na board member ng Quezon province sa isinagawang operasyon kamakalawa kaugnay sa kasong estafa. Kinilala ni Atty. Eboy Ramos, hepe ng NBI Lucena City ang suspek na si Victor Abustan Reyes, 51, board member ng 3rdrd District ng Quezon at residente ng Lourdes Subdivision sa Barangay Sabang sa nasabing lungsod.
Ayon kay Ramos, dinakma si Reyes nang pinagsanib na elemento ng Lucena-NBI at NBI-Manila (RAID) sa kanyang bahay sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Wilfredo Fiel Navarro ng Cebu City Regional Trial Court Branch 19 kaugnay sa bigong bentahan ng barko na nagkakahalaga ng P27 milyon.
Gayon pa man, habang inaaresto si Reyes, sumama umano ang pakiramdam nito kaya siya isinugod sa Lucena Doctors Hospital.
Pinayagan ng korte ng makapagpiyansa si Reyes sa halagang P40,000 para sa pansamantalang kalayaan.
Sinikap naman kunan ng pahayag si Reyes pero nabigo ang PSN.