6 COP sa Kabikulan, sinibak

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines - Anim na hepe ng pulisya sa iba’t-ibang bayan sa Kabikulan ang sinibak sa puwesto matapos na hindi tumugma ang mga ulat na may kinalaman sa krimen mula sa kani-kanilang bayan na ipinadala sa  Camp Simeon Ola.

Kinilala ang mga opisyal na sinibak sa puwesto ay sina P/Supt. Lorenzo Trajano ng Daraga PNP; P/Chief Insp. Mauro Taytay ng Oas PNP sa Albay; P/Senior Insp. Norlando Mesa ng Milagros PNP, Masbate; P/Supt. Rodolfo Abella ng Masbate City PNP; P/Senior Insp. James Ronatay ng San Miguel PNP, Catanduanes; at si P/Supt. Efren Tublan ng Labo MPS sa Camarines Norte.

Maging sa makabagong programa ng PNP na e-blotter system ay hindi tumutugma ang mga ulat ng pulis sa isinagawang validation.

Nabatid na ang crime volume ay may card crime registrar kung saan nakalista ang mga krimen na naganap sa kani-kanilang bayan na sakop.

Kinakailangan na ang krimen na naganap na mula sa mga barangay ay tumugma sa mga report na nakatala naman sa police blotter ng pulisya kung saan isisusumite sa Camp Simeon Ola at Camp Crame.

Kasalukuyang nasa Regional Personnel Holding and Accounting Unit sa nasabing kampo ang mga sinibak na opisyal habang patuloy ang imbistigasyon.

Show comments