TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Makalipas ang tatlong araw na pagtatago ay sumuko na rin kahapon sa mga awtoridad ang bagitong pulis na sinasabing nanggulpe at nakapatay sa 47-anyos na mister sa Barangay Calaocan, Santiago City, Isabela. Pormal naman kinasuhan ang suspek na si P01 Mario Lejano na nakatalaga sa Santiago City PNP. Sa police report, lumilitaw na nakagitgitan ng suspek ang traysikel ni Villamor Gamit kung saan sakay ang biktimang si Augusto Laña ng Saguday, Quirino noong Martes (Sept. 24) ng gabi. Sa ulat na nakarating kay Regional Police Director P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia, nagalit at animo’y bangag si PO1 Lejano nang harangin ang trike ni Gamit kung saan pinagsisipa ang drayber matapos na hindi nito pinagbigyan na maka-overtake. Nagpaputok pa ng baril sa ere ang suspek saka ibinaling ang galit kay Laña na tinangkang payapain at makiusap subalit pinagtatadyakan ng pulis saka binaril sa dibdib.