Kamay ni misis pinutol ni mister

MANILA, Philippines - Naratay sa pagamutan ang 26-anyos na misis matapos itong bugbugin at putulan pa ng kanang kamay ng umbagero nitong mister sa Barangay San Carlos, bayan ng Sta. Marcela, Apayao, ayon sa ulat kahapon.

Itinago sa pangalang Anna ang biktima habang nasakote naman ang suspek na si Dominic Assistin Pugal, 38, magsasaka at kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.

Sa pahayag ni Cordil­lera PNP spokesman P/Senior Supt. Davy Vicente Limmong, naitala ang insidente dakong alas-8 ng gabi kamakalawa  matapos na mag-away na naman ang dalawa na nauwi sa pambubugbog.

Sa gitna ng pag-aaway ng dalawa ay tinangka ng nasabing misis na sunggaban ang karit na panggapas ng palay upang  gumanti sa kaniyang mister pero naagaw ng suspek.

Agad namang kinarit ang kamay ng biktima saka tumakas ang suspek pero nadakma naman ng pulisya sa inilatag na o­perasyon.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang suspek habang humihimas ng rehas na bakal sa himpilan ng pulisya.

Show comments