8 dedo sa atake ng BIFF

NORTH COTABATO, Philippines - Muling sumiklab ang kaguluhan  sa bayan ng Midsayap, North Cotabato kung saan walo-katao kabilang ang apat na sundalo ang napatay makaraang umatake na naman ang mga rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa tatlong barangay kahapon ng madaling-araw.

Bandang alauna ng madaling-araw nang lusubin ng pangkat ng BIFF ang Barangay Rangaban kung saan nagsimula ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde sa hangganan ng Barangay Palongoguen at Malingao.

Ayon kay Captain  Antonio Bulao ng Army’s 602nd Infantry Brigade, bandang alas-2:20 ng madaling araw nang atakihin ng grupo ni Kumander DM at Abas Kudanding ang outpost ng Civi­lian Volunteers Organization sa Brgy. Rangaban III.

Kaagad namang rumesponde ang tropa ni Lt. Col. Roberto Huet kung saan sumiklab ang bakbakan sa Barangay Tugal.

Dito na hinostage ng BIFF ang apat na guro at 11 estudyante na ginawang human shield sa pagtakas sa mga Barangay Malingao, Mirasol at  Polongoguen.

Apat na rebelde at apat na sundalo ng Phil. Army ang napaslang sa naganap na madugong sagupaan.

Samantala, pinalaya na ang mga bihag kabilang ang tatlong guro kung saan una nang inamin ni BIFF spokesperson Abu Misri Mama na sila ang nasa likod ng pag-atake pero nilinaw nito na walang kaugnayan sa Zamboanga City standoff ang kanilang pag-atake.

 

Show comments