NORTH COTABATO, Philippines - Tatlong armadong bandido ang napaulat na napaslang habang sugatan naman ang isang sundalo makaraang sumiklab ang sagupaan sa hangganan ng North Cotabato at Maguindanao noong Sabado.
Ayon kay 602nd Brigade spokesperson Capt. Antonio Bulao, sinalakay ng mga armadong grupo ang CVO detachment sa Sitio Mapagkaya, Barangay Paidu Pulangi sa bayan ng Pikit, North Cotabato noong Sabado.
Agad namang rumesponde ang tropa ng 7th Infantry Battalion ng Phil. Army upang mapigilan ang pagpasok ng armadong grupo sa bahagi ng North Cotabato.
Naitaboy papalayo ng militar ang mga armadong grupo kaya humupa pansamantala ang tensiyon.
Batay sa intelligence report, nagkukuta sa Barangay Dasawao, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao ang mga naitaboy na armadong grupo.
Nabatid na ilog ang pagitan ng Barangay Paidu Pulangi at Barangay Dasawao, Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao.
Bagama’t wala pang opisyal na ulat ang militar kaugnay sa nasabing sagupaan, patuloy naman ang kanilang pagsisiyasat.