SUBIC, Zambales, Philippines — Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na miyembro ng sindikato ng droga makaraang makumpiskahan ng 400 kilong shabu sa eksklusibong subdibisyon sa bayan ng Subic, Zambales kamakalawa ng hapon. Kabilang sa mga nasakoteng suspek ay sina Joselito Escueta, Coronel Desierto, Emmanuel Erwin Tobias, pawang nakatira sa Pasay City; Dennis Domingo ng Antipolo City, Rizal; Romeo Soriano Manalo at si Albert Chin na kapwa nakatira sa bayan ng Mendez, Cavite. Ipinag-utos naman ni PNP-AIDSOTF Commander P/Supt. Bartolome Tobias ang malawakang imbestigasyon sa pakikipagtulungan ng Subic Bay Metropolitan Authority, Bureau of Customs at PDEA na matukoy ang pinagmulan ng shabu na ibinabagsak sa nasabing bayan. Batay sa ulat, nagsagawa ng raid ang mga awtoridad sa Sta. Monica Subdivision, Barangay San Isidro, Subic, Zambales noong Linggo ng umaga kung saan naaktuhan ang mga suspek na ikinakarga sa van ang kilu-kilong shabu.