CAVITE, Philippines – Dinukot ng mga armadong kalalakihan na hinihinalang miyembro ng kidnap-for-ransom ang isang bombay matapos harangin ang sinasakyan nitong behikulo sa kahabaan ng Brgy. Buenavista, Gen. Trias, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Harvinderesingh Birring, 46 anyos, residente ng Zone 1, Dasmariñas City. Batay sa imbestigasyon ni PO2 Barry Baluyot may hawak ng kaso, dakong alas 9 ng gabi ng magtungo sa kanilang himpilan ang misis ng biktima na si Surinder Jit Birring at ini-report ang pagdukot sa kaniyang mister bandang alas-11:30 ng umaga .
Sa salaysay ng ginang lulan ang kaniyang mister ng Toyota Vios (VFH 757) nang harangin at dukutin ng mga armadong suspek. Nagsasagawa na ng followup operations ang mga awtoridad sa kasong ito.