MIDSAYAP, North Cotabato, Philippines – Nabalot ng tensyon ang dalawang barangay sa bayan ng Midsayap, North Cotabato matapos salakayin ang dalawang kampo ng militar ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni 6th Infantry Division spokesman Colonel Dickson Hermoso, unang hinarass ng mga armadong BIFM ang detachment ng 40th Infantry Battalion ng Phil. Army sa Sitio Tampad, Barangay Ulandang sa nasabing bayan.
Tumagal ng isang oras at kalahati ang palitan ng putok ng magkalabang panig bago umatras ang mga rebelde.
Makalipas ang ilang minuto, inatake naman ng mga armadong grupo ng BIFM sa pamumuno ni Kumander D.M. ang Army detachment sa Barangay Nabalawag kung saan nasugatan ang sibilyang si Allan Dimatingkal.
Narekober sa encounter site sa Army detachment ang isang improvised explosive device (IED) at bala ng RPG habang patuloy naman ang malawakang pagtugis sa grupo ng BIFM.