CAVITE, Philippines – Wala sa oras ang salubong ni kamatayan laban sa 73-anyos na Canadian na sinasabing magpapakasal na sana sa nobyang Pinay matapos itong malunod sa pamosong beach resort sa bayan ng Ternate, Cavite kamakalawa ng umaga. Bandang alas-11 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Ian Birch na nakalutang sa bahagi ng Puerto Azul Beach Resort. Ayon sa pulisya, si Birch ng 104 A AÂvenue Surrey, Canada ay nagbakasyon sa bansa kung saan naka-check-in sa Riviera Mansion Hotel sa Malate, Manila at nakatakdang ikasal sa nobyang si Jean Omison, 32, ng Parañaque City. Lumilitaw na nagpaalam ang biktima sa kanyang nobya na maliligo sa nasabing beach subalit hindi ito pinayagan dahil na rin sa malamig pa ang tubig-dagat pero nagpasya pa ring mag-swimming. Dito nasalubong ng biktima si kamatayan matapos itong atakihin sa puso habang naliligo sa nasabing beach resort.