Pulis itinumba ng sindikato ng droga

NUEVA ECIJA, Philippines – Patay ang isang miyembro ng pulisya makaraang pagbabarilin ng dalawang armadong lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng isang drug syndicate  sa harapan ng San Miguel Corporation Warehouse sa kahabaan ng Gapan-Olongapo Road, Brgy. Poblacion, San Isidro, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang biktima na  si SPO2 Reynaldo Mesina Jr., 53-anyos, may-asawa ng Brgy. Sto. Cristo, San Isidro, Nueva Ecija, at nakatalaga sa San Isidro Police Station. Ang biktima ay binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Good Samaritan Hospital sa Gapan City sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan at hita.

Samantala, patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na pinaniniwalaang mga kasamahan  umano ng mga big time drug dealer na inaresto at ipinakulong ng biktimang si SPO2 Mesina.

Sa imbestigasyon, bandang alas-5:30 ng hapon, kamakalawa, nakatayo ang biktima sa may harap ng nasabing bodega nang biglang hintuan ng dalawang naka-motorsiklong lalaki at pagbabarilin.

Bago ang krimen ay nakatanggap ng mga pagbabanta sa kaniyang buhay ang biktima na hinihinalang galing sa sindikato ng droga. Sa kasalukuyan lumilitaw na paghihiganti ang motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.

Show comments