LIMAY, Bataan, Philippines – Dalawa ang nasa kritikal na kondisyon habang 21 iba pang mga obrero sa konstruksyon ang naratay sa pagamutan matapos na kumain ng pritong manok at nilagang baboy sa construction site mess hall sa Limay, Bataan kamakalawa ng tanghali.
Ayon kay Dr. Joseph Quan, attending physician ng Bataan General Hospital Balanga City, nalason ang mga biktima dahilan matapos kumain ng naturang mga ulam ay nakaranas ng pananakit ng tiyan, pagsusuka at diarrhea.
Ang mga trabahador ay kabilang sa sub contractor ng Taiwanese Firm Wan Kong Construction Company na gumagawa ng ‘galvanized iron pipes’ na ginagamit sa kasalukuyang ginagawang power plant sa loob ng Petron Bataan Refinery.
Sinabi pa ni Quan na malamang umano na ang mga kinaing manok at baboy ng mga trabahador ay may nahalong sirang pagkain kung kaya ang mga ito ay nalason sa pagkain makaraan ang 15 minuto.
Sa kasalukuyan, dalawa sa mga biktima ay patuloy na inoobserbahan habang ang iba pa ay pinalabas na matapos na bumuti na ang kondisyon.