Police colonel na protektor ng droga, inaresto

MANILA, Philippines - Inaresto na kahapon ang isang police colonel na number 2 man ng Ca­vite Provincial Police Office (PPO) matapos itong hatulan ng korte ng guilty sa kasong pagbibigay proteksyon sa isang shabu laboratory sa Naguilian, La Union.

Sa phone interview, kinumpirma ni CALABARZON Police Director P/Chief Supt. Benito Estipona na bandang alas-10 ng umaga nitong Huwebes ng isilbi ang warrant of arrest laban kay Supt. Dionisio Borromeo sa tanggapan nito sa Camp Pantaleon, Garcia, Imus, Cavite.

“He is arrested and detained, we will turn over him to the court as soon as possible,” pahayag ni Estipona .

Si Borromeo, Deputy Director for Administration ng Cavite PPO ay hinatulan ni Judge Ferdinand Fe, 1st  Judicial Region Branch 67 ng Bauang, La Union kamakalawa ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo at pinagmumulta rin ng P10 M.

Samantalang ang kasab­wat nitong si PO2 Joey Abang ay pinatawan naman ng 20 taong pagkakakulong at P500,000 bayad pinsala sa kaso.

Ayon kay Estipona, matapos ibaba ng korte ang hatol ay boluntar­yong lumantad si Borromeo sa upisina ni Cavite PPO Provincial Director P/Sr. Supt. Alexander Rafael kamakalawa pasado alas-5 ng hapon sa pagsasabing hindi niya tatakasan ang kaso.

Magugunita na matapos ang mahigit isang taong paglilitis sa kaso laban kay Borromeo ay ibinaba ng kor­te ang hatol na guilty laban dito habang pinawalang sala naman ang dalawa pang pulis na sangkot sa kaso dahilan sa kakulangan ng ebidensya.

 

Show comments