NUEVA ECIJA , Philippines – Tinatayang aabot sa P.122 milyong payroll ng pribadong kompanya ang natangay matapos holdapin ang dalawang kawani ng mga di-kilalang kalalakihan sa Barangay Patola, bayan ng Talugtug, Nueva Ecija noong Sabado ng hapon. Sa ulat na nakarating kay P/Senior Insp. Erwin V. Ferry, hepe ng Talugtog PNP, hinarang ng anim na maskaradong kalalakihan ang service vehicle ng dalawang kawani ng Kyro Builders Construction Corp. saka tinangay ang bag na naglalaman ng malaking halaga. Bukod sa malaking halaga, tinangay din ng mga holdaper ang dalawang cell phone at susi ng sasakyan ng mga biktimang sina Engr. Efemio Carreon, 56, project engineer; at Richard Ponsela, driver. Gayon pa man, walang nagawa ang dalawa kundi ang maglakad patungo sa Barangay Sto. Domingo para humingi ng tulong sa pulisya.