MANILA, Philippines - Pitong sundalo ng Philippine Marines at limang bandidong Abu Sayyaf ang iniulat na napaslang habang labinsiyam naman ang suÂgatan kabilang ang siyam na sundalo matapos sumiklab ang bakbakan ng magkalabang panig sa liblib na bahagi ng Barangay Tugas sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Task Force Sulu Commander Col. Jose Joriel Cenabre, bandang alas-6:30 ng umaga nang makasagupa ng mga sundalo ng Force Reconnaissance Company ng PhilipÂpine Marines ang mga bandido sa nabanggit na barangay.
Ang engkuwentro ay resulta ng hot pursuit operations laban sa mga kidnaper ng midwife na si Casilda Villarasa, misis ng Marine Sergeant na binihag ng mga bandido sa Jolo, Sulu noong Mayo 18.
Nabatid na ginagalugad ng mga sundalo ang kagubatan upang hanapin ang binihag na midwife nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril mula sa mga bandidong Abu Sayyaf na nauwi sa mainitang bakbakan.
Sa kasagsagan ng putukan ay nasawi ang pitong sundalo ng Philippine Marines na sina 2nd Lt. Alfredo Lorin, Pfc. Rene Gare, Pfc. Andres Bogwana, Pfc. Jayson Durante, Pfc. Andres Alasin Pfc. Roxas Pizarrao at si Pfc.Dominador Sabijon Jr.
Samantala, lima naman sa panig ng mga bandidong napatay ay kabilang sina Kausar Sawadjaan, Salip Uddin, sub-leader; alyas Ambotong, Saif Ajim, at isang tinukoy na Commander Apong Idol habang aabot sa sampu sa mga bandido ang nasugatan na tinangay ng mga nagsitakas na kasamahan.
PAGDUKOT SA MIDWIFE MISTAKEN IDENTITY
Isang kaso ng mistaken identity ang naganap na pagdukot sa isang midwife na asawa ng sundalo sa Sulu.
Ayon kay Col. Jose Joriel Cenabre, commander ng Task Force Sulu, hindi ang biktimang si Casilda Villarasa, 41 anyos, midwife sa Sulu Provincial Health Office ang target ng mga kidnaper.
Si Villarasa, misis ni Marine Sergeant Faustino Villarasa ay dinukot ng mga bandido habang kasama ang 9-anyos na anak na si Valeria sa Brgy. Asturias, Jolo, Sulu noong Mayo 18.
Sinabi ni Cenabre na isang doktor na nagtratrabaho sa nasabing pagamutan ang dapat na kikidnapin kung saan dahil nakasuot rin ng kulay puti ang komadrona ay ito ang tinangay.
Pinaniniwalaan namang kinidnap ang naturang biktima upang ipagamot ang mga sugatang bandido sa kagubatan ng Sulu.