Kawani ng jueteng tinodas

TUGUEGARAO CITY , Philippines  - Bulagta ang 42-anyos na kawani ng jueteng matapos itong mabaril ng kabaro sa bolahan ng pa­sugalan sa Barangay Punit, bayan ng Benito Soliven, Isabela kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jimmy Tababa habang sumuko naman  ang suspek na si Mariano Butac Jr., 41,  kapwa nakatira sa nasabing barangay. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Narciso Paragas, spokesman ng Isabela PNP, aksidenteng pumutok ang baril matapos itong agawin ng suspek. Nabatid na nilalaro ng biktima ang baril sa loob ng kuwarto ng kahera ng pasugalan nang agawin nito su­balit pumutok at tumama sa dibdib.Noong nakaraang Marso, isa rin kawani ng jueteng ang binaril sa dibdib at napatay ng hindi natukoy na gunman sa Barangay Burgos, bayan ng Alicia, Isabela. Tinangay ng gunman ang perang koleksiyon sa pasugalan na idedeposito sana ng biktima sa banko.

Show comments