QUEZON , Philippines – Pinaniniwalaang may bahid-politika ang pagdukot sa babaeng brodkaster ng dalawang armadong kalalakihan habang ito ay kumakain sa lugawan sa Barangay Poblacion, baÂyan ng Candelaria, Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Francisco Ebreo, hepe ng pulisya ang biktima na si Melinda Jennifer Glifonea ng 103.1 Edge Radio na nakabase sa Sariaya, Quezon at nakatira sa St. Jude Village, Phase 2, Barangy Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon.
Sa inisyal na imbestigasÂyon, kumakain sa Lugawan ng Masa ang biktima nang dumating ang dalawang di-kilalang lalaki na armado ng baril.
Tinutukan ng baril ang biktima saka kinaladkad pasakay sa silver na Innova na may takip ang plaka at may conduction sticker number na 7858.
Patuloy na nagsasagawa ng hot pursuit operation ang pulisya upang matukoy ang pinagdalhan sa biktima na sinasabing kritiko ng kasalukuyang administrasyon.
Naniniwala naman ang mga residente na bahagi ito ng senaryong ipalalabas ng ilang kandidato sa Quezon upang ibintang sa kalabang kandidato na mataas ang nakukuhang boto sa survey.
Noong nakalipas na linggo ay lumutang ang usap-uÂsapan na gagawa ng senaryo ang grupong sumira sa katauhan ng dating gobernador.