MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang dalawang sundalo habang limang iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tropa ng militar na nag-escort sa mga makina ng precinct count optical scan at Comelec officer sa Barangay Bagumbayan, Tabuk City sa Kalinga kahapon ng umaga.
Sa phone interview, sinabi ni Lt. Col. Loreto Magundayao, spokesman ng Army’s 5th Infantry Division, patungong bayan ng Libuangan ang tropa ng Army’s 17th Infantry BattaÂlion at ilang PNP personnel nang tambangan ng mga rebelde dakong alas-9:30 ng umaga.
Sa ulat naman ni Kalinga provincial PNP director P/Senior Supt. Froilan Perez, kinilala ang mga nasawing sundalo na sina Corporal Wilfredo Bacacao at Corporal Allen Pattaguan.
Kabilang naman sa mga sugatan ay sina Pfc Delfin Goyagoy, S/Sgt. Rico dela Cuesta, Sgt. Wayne Aguinaldo, T/Sgt. Herminigildo Vergara, T/Sgt. Constante Alupani at si Sgt. Michael Adducul.
Nabatid na ang mga PCOS machine at ang mga Comelec officer ay nasa unahan ng convoy kasunod ang service vehicle ng PNP at nasa hulihan naman ang Army vehicle.
Umalingawngaw ang ilang minutong putukan hanggang sa magsiÂatras ang mga rebelde na sinasabing isasabotahe ang halalan sa nasabing lalawigan.
Gayon pa man, walang nasugatan sa mga Comelec officer kung saan maaÂyos namang nakarating sa destinasyon ang mga PCOS machine at iba pang election paraphernalia na gagamitin sa eleksyon.