TUGUEGARAO CITY, Philippines – Nalalagay sa balag ng alaÂnganing masibak sa trabaho at makulong ang dalawang guro na isinasangkot sa pagpapakamatay ng 16-anyos na mag-aaral na kanilang nilait at ipinahiya sa mga tao sa Barangay Allasitan, bayan ng Pamplona, Cagayan kamakalawa.
Kinilala ni P/Senior Insp. Pepito Mendoza, hepe ng Pamplona PNP ang dalawang akusado na sina Teodora Dayao, 4th year high school adviser; at Guidance Counselor Ailene Asuncion na kapwa guro sa Sanchez Mira School of Arts and Trades.
Ayon pa kay Mendoza, bukod sa kasong child abuse na naisampa sa Department of Justice, nahaharap din ang dalawang guro sa kasong administratibo na isinampa sa kanila sa Office of the Ombudsman.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ipinatawag ng mga akusado ang batang si John Ace Manuel sa tanggapan ni Chairman Edward Yague noong Abril 12 para kumprontahin sa hindi nito pagbabayad ng mga obligasyon at utang sa paaralan.
Habang hinihintay ang ama ng biktima, namutawi ang masasakit na salita mula sa dalawang guro laban sa 16-anyos na biktima na sinasabing kahit aso ay hindi masikmura.
Sinabi ni Mendoza na humagulgol pa ang biktima pagdating ng kanyang ama kung saan isinumbong ang panlalait na salita ng mga guro.
Hindi naman inakala ng mga magulang na may masamang epekto sa kanilang anak ang naranasan kanilang binatilyong anak na magbigti kinagabihan.