BAGUIO CITY, Philippines – Umaabot sa P.1 milyong halaga ng ari-arian ang nalimas sa Baguio-based publisher ng regional newspaper matapos madale ng notoryus na Bukas-Kotse Gang sa bayan ng Rosario, La Union noong Linggo ng umaga.
Ikaapat na sa nadale ng nasabing grupo ay ang biktimang si Thomas AF Picana, publisher ng Amianan Balita Ngayon at correspondent ng Manila Times.
Kabilang sa mga ari-arian natangay ay ang Canon 50D DLSR camera, laptop, Samsung/Corby Tablets, bags at P39,000 cash.
Nabatid na pinarada ni Picana ang kanyang Toyota Tamaraw FX (ADG 566) sa harapan ng Chowking fastfood sa kahabaan ng national highway sa Barangay Saitan para mag-almusal kasama ang kanyang pamilya.
Dahil sa CCTV camera ng nasabing fastfood chain ay kampante naman ang pamilya Picana subalit sa pagbalik nila matapos mag-almusal ay nawawala na ang mga personal na gamit. Maging ang misis ni Picana na si Mary Grace ay hindi makapaniwala na nadale sila ng bukas-Kotse Gang kahit may nagbabantay na dalawang sekyu bukod pa sa CCTV camera.
Sa record ng CCTV camera, isang asul na van ang pumarada sa tabi ng Tamaraw FX ni Picana kung saan lumabas ang isang babae at lalaki saka isinagawa ang pagnanakaw.
Nabatid na may ilang metro lamang ang layo sa himpilan ng pulisya ang nasabing fastfood chain na sinasabing paborito ng mga miyembro ng bukas-kotse.