Matadero inutas sa pedicab

BULACAN, Philippines – Napaslang ang 43-anyos na matadero matapos saksakin ng di-kilalang lalaki sa loob ng pedicab sa Barangay Paliwas sa bayan ng Obando, Bulacan kamaka­lawa ng gabi. Sa police report na nakarating kay P/Senior Insp. Rolando Geronimo, lulan ng pedicab ang biktimang si Domingo San Diego Jr. nang saksakin sa likurang bahagi ng di-kilalang lalaki. Tinangka namang saklolohan ng driver ng pedicab ang biktima subalit maging siya ay dinaluhong ng saksak subalit nakailag lamang at huminggi ng saklolo sa kinauukulan. Pinaniniwalaang paghihiganti ang isa sa motibo kaya pinatay ang biktima.

Show comments