Dump truck ng munisipyo gamit sa illegal logging

TUGUEGARAO CITY, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources ang dump Truck na sinasabing pag-aari ng lokal na pamahalan na may lulang 2,000 board feet ng illegal logging kung saan nasabat  sa checkpoint sa Barangay Baybayog, bayan ng Alcala, Cagayan kamakalawa.

Base sa naantalang ulat, sinabi ni Forester Ilarde Viernes ng Community Environment and Natural Resources Officer ng Alcala, isa ring pick-up na may lulang mga muwebles na gawa sa mga banned hardwood species ang nasabat  kasabay ng dump truck matapos ang maiksing pakikipaghabulan nito sa mga tauhan ng DENR.

Inaalam pa rin ng DENR kung pag-aari pa rin ng lokal na pamahalaan ang nasabat na pick-up na nagtangkang magpuslit ng mga trosong ipinagbabawal.

Kinilala ni Viernes ang driver ng dump truck na si Joser Buquel, 42, ng Barangay Cataggaman Nuevo habang ang driver naman ng pick-up ay si Joselito Maggay ng Barangay San Gabriel, Tuguegarao City.

Nabatid na imbes na huminto sa checkpoint ay humarurot ang mga driver ng dalawang sasakyan subalit naabutan din ang mga ito ng mga operatiba ng DENR at PNP-Cagayan Public Safety Battalion.

Show comments