PNP station pinasabog ng NPA

MANILA, Philippines - Muli na namang naghasik ng terorismo ang mga rebeldeng New People’s Army matapos bombahin ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Mabini, Compostela Valley kamakalawa ng gabi. Bandang alas-7:25 ng gabi ng yanigin ng pagsabog  ng mortar ng M203 grenade launcher ang nasabing himpilan ng pulisya. Napag-alamang sinamantala ng mga rebelde na brownout kung saan nagawang paulanan ng mortar ang PNP station. Nawasak ang bahagi ng gusali sa ikalawang palapag at maging ang salaming bintana. Wala namang iniulat na nasugatan sa panig ng mga tauhan ng Provincial Police Safety Company na nagbabantay sa nasabing himpilan. Patuloy naman ang manhunt operations ng pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ng grupo ng mga rebelde.

Show comments