MANILA, Philippines - Isa na namang sundalong miyembro ng peace and development team ang kinidnap ng mga rebeldeng New People’s Army habang ito ay namimili sa palengke sa Barangay Elizalde, bayan ng Maco, Compostela Valley kahapon ng umaga.
Kinilala ni Army’s 101st Brigade Commander Col. Angelito de Leon ang binihag na si Pfc. Jesus Tomas ng Army’s 71st Infantry Battalion na pinamumunuan ni Lt. Col. Jerry Borja. Napag-alamang abala ang tatlong sundalo sa pakikipag-ugnayan sa mga residente sa palengke makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.
Kaagad na itinago ng mga sibilyan ang dalawang sundalo habang papalapit ang mga rebelde. Gayon pa man, nakorner si Tomas kung saan agad na sinunggaban at kinaladkad palabas ng palengke.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng AFP-Eastern Mindanao Command ang pagtugis sa grupo ng mga rebelde na bumihag kay Tomas.