MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang isang negosyante na pinsan ng isang heneral ng PNP sa naganap na insidente sa Jolo, Sulu nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ni Sulu Provincial Police Office Director P/Sr. Supt. Antonio Freyra, ang biktima na si Reynato “Boy “ Yanga, 53 , coffee shop owner sa downtown ng kapitolyo ng Jolo.
Ang biktima ay pinsan ni Chief Supt. Mario Yanga, Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office (PRO) 9.
Bandang alas-5:20 ng umaga ng pasukin ng limang mga armadong suspek ang coffee shop ng biktima sa Brgy. Walled City, Jolo na itinaon ng mga ito sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Sa tala, ito ang ikalawang pagkakataon na binihag ang biktima ng mga bandido na ang una ay noong Marso 2005 pero hindi nakipagkooperasyon ang pamilya nito sa mga awtoridad.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang pinagsanib na elemento ng pulisya at ng Philippine Marines para sa ligtas na pagbawi sa bihag.