NUEVA ECIJA , Philippines – Pinaniniwalaang may matinding koneksyon sa prominenteng politiko ang isang barangay chairman na nakumpiskahan ng dalawang baril na di-lisensyado at ibat’ ibang uri ng bala kaya ibinasura ang kasong paglabag sa Omnibus Election Code sa Brgy. San Carlos, bayan ng Aliaga, Nueva Ecija noong Huwebes (Marso 28).
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Ramon Palomar ng Guimba Regional Trial Court Branch 32 sa Nueva Ecija, inaresto si Chariman Federico Vercida ng Purok 3, Barangay San Carlos matapos makumpiskahan ng cal. 45 pistol, shot gun at sari saring magazine sa kanilang barangay hall.
Dinala sa presinto si Vercida matapos mabigong magpakita ng Comelec gun ban exemption permit kaya pormal na kinasuhan ng pulisya.
Gayon pa man, makalipas ang ilang araw ay ibinasura ni Assistant Prosecutor Edison Rafanan ang mga kasong Illegal possession of firearms and ammunitions at violation of Omnibus Election Code (Comelec Gun Ban) laban kay Vercida noong Abril 1, 2013 dahil sa kawalan ng probable cause.