Estudyante dedo sa kidlat

MANILA, Philippines - Patay ang isang 19 anyos na estudyante habang nasa kritikal namang kondisyon ang isa pa makaraang aksidenteng tamaan ng kidlat sa loob ng campus ng kanilang eskuwelahan sa Brgy. Poblacion, Payao, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng hapon.

 Kinilala ang nasawing biktima na si Edilberto Malbuyo Jr., 2nd year  sa Sto. Niño National High School at residente ng Brgy. Mabuhay, Zamboanga Sibugay.

 Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa paga­mutan ang isa pa na si Stephen Quirante, 17, bagong graduate­ sa Payao National High School.

 Base sa report, sinabi ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-5 ng hapon habang kasalukuyang nakaupo ang dalawang biktima sa loob ng campus ng  naturang eskuwelahan ng mangyari ang insidente.

 Isang malakas na kidlat ang biglang tumama sa lugar na kinauupuan ng dalawang estudyante kung saan nasapul si Malbuyo na agad nagkikisay sa insidente sa tinamong grabeng pagkasunog ng katawan. Samantala, agad namang isinugod sa Payao Municipal Hospital si Quirante pero dahilan sa delikado nitong kondisyon ay inilipat ng pagamutan sa bayan ng Ipil.

Show comments