Ina nag-suicide, 2 paslit na anak idinamay

Camarines Norte, Philippines — Dahilan umano sa tsismis na may ibang babae ang kaniyang mister, isang ina ang nag-suicide na idinamay pa ang dalawa nitong paslit na anak matapos na magpakalunod sa Bicol River malapit sa Bulagong Bridge, Brgy. Purok Batia, Libmanan, Camarines Sur nitong Biyernes.

Sa ulat ng Camarines Sur Police , dakong alas-11 ng tanghali ng  marekober ang bangkay ng mag-iinang sina Maricel  Fabricante Sacro, 21-anyos at dalawa nitong anak na sina Jocelyn, 5 anyos at Jonalyn, 3-taong gulang.

Ang dalawang paslit ay nakatali ng straw sa katawan ng ina ay natagpuang lumulutang sa nasabing ilog.

Base sa imbestigasyon, dinamdam ng nasabing ginang ang mga tsismis at biruan na naririnig nito sa kanilang mga kapitbahay na may kinahuhumalingang ibang babae ang kaniyang mister kaya laging inu­umaga ng uwi sa kanilang tahanan.

Ayon sa mga awtoridad, itinali ng ginang sa kaniyang katawan ang dalawang anak upang hindi sila magkahiwalay saka ito nagpa­lunod sa ilog.

Laking gulat naman ng mister nitong si Cedio sa sinapit ng kaniyang mag-iina at halos matulala ito sa ginawang pagpapatiwakal ng kanyang asawa na idinamay pa ang dalawa nilang musmos na anak.

Pinaniniwalaan namang dumaranas rin ng ‘post-partum depression’ ang nasabing ginang na umano’y nakunan sa ipinagbubuntis nitong sanggol noong nakalipas na buwan.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kasong ito.

 

Show comments