RIZAL , Philippines -Kamatayan ang sumalubong sa magkaibigang bata matapos na maligo sa malalim na creek na sinasabing pinamamahayan ng engkanto sa Antipolo City, Rizal kahapon ng umaga. Kinilala ang mga biktima na sina Rolando Lakandula, 9; at Vince Calvin Lupo, 9, kapwa nakatira sa Sitio Majayjay, Barangay Munting Dilaw sa Antipolo City.
Sa ulat ng Antipolo City PNP, nabatid na nagkayayaan ang dalawa na maligo sa Sala Creek kung saan magkasabay ng tumalon sa malalim na bahagi ng creek.
Napansin naman ni Rodrigo Dural ang dalawa na hindi na lumutang kaya kaagad nang humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Unang narekober ang katawan ni Lakandula at agad na isinugod sa Camillan Sister’s Polymedic subalit patay na ito.
Samantala, ang katawan ni Lupo ay narekober ilang oras ang nakalipas at hindi na rin umabot ng buhay sa ospital.