MANILA, Philippines - Labindalawang (12) tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang ministro ng relihiyong Iglesia Filipina InÂdependiente (IFI) makaraan itong pagbabarilin ng dalawang armadong kalalakihan sa huli nitong hapunan sa Libertad, Misamis Oriental, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Sofronie Bombeo, 52-anyos, lay minister ng nasabing relihiyon.
Isinugod naman sa pagamutan ang mga sugatan nitong kasamahan na sina Cocoy Juliada, Santos Acain, FelixÂberto Villarin, Crispin May Poblete at Lucita Ceballo; pawang mga nagtamo ng mga tama ng bala sa paa at binti.
Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 10, katatapos lamang magdaos ng misa noong Huwebes ng gabi ng biktima at kasalukuyan na itong kumakain ng hapunan sa function hall ng IFI Cathedral sa Poblacion ng Libertad nang mangyari ang insidente.
Bigla na lamang umanong pumasok sa function hall ang mga armadong salarin na nagpanggap na mga kasapi ng IFI at saka pinagbabaril nang malapitan si Bombeo na kasalukuyang naghahapunan.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala at cartridge ng cal. 9mm pistols. Nagsasagawa na ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen at maaresto ang mga salarin.