Mag-ina kinatay ng praning na kapitbahay

MANILA, Philippines - Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang 31 -anyos na ginang at anak nitong batang lalaki ng isang praning nilang kapitbahay na puwersahang pumasok sa kanilang tahanan sa Brgy. Mapaang, Maco, Compos­tela Valley nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga nasa­wing biktima na sina Emma Carpentero, single parent at Jhunry Carpentero, 4-anyos.

Ang mag-ina ay kapwa nagtamo ng malalalim na taga sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siyang ikinasawi ng mga ito.

Nakilala naman ang suspek na si Zaldy Arican, 34, isang magsasaka at residente ng Brgy. Binungan ng naturang munisipalidad.

Sinabi ni Compostella Valley Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Pancratius Camilo Cascolan, naganap ang malagim na krimen sa nasabing lugar bandang alas-2:45 ng hapon.

Ayon kay Cascolan, bitbit ang bagong hasang itak ay pinasok ng suspek ang tahanan ng mag-ina saka pinagtataga ang mga ito na dagliang binawian ng buhay.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek na hindi na nakapalag matapos palibutan ng arresting team.

Show comments