MANILA, Philippines - Nauwi sa karahasan ang komprontasyon ng alitan sa lupa makaraang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang isang pulis ng lalaking tinalo nito sa suntukan sa Barangay Poblacion sa bayan ng Sibagat, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang napatay na si SPO3 Jeorge Galdiano ng Butuan City PNP; at nakatira sa Purok 8 A, Poblacion.
Sugatan naman naisugod sa DO Memorial Hospital ang bystander na si Nueve Baniada matapos na tamaan ng ligaw na bala.
Pormal naman kinasuhan ang suspek na si Giljean Villanueva ng Purok 14 kung saan sumuko sa himpilan ng pulisya bitbit ang cal. 9mm pistol.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, naganap ang krimen matapos ang komprontasyon ng suspek at biktima sa isyu ng kontrata sa pinag-aagawang lupain sa Purok 14.
Gayon pa man, nagsuntukan pa ang dalawa kung saan natalo ni Galdiano ang suspek na bilang ganti ay pinagbabaril ang pulis habang nakatalikod at paalis na sa nasabing lugar.