Trak bumaliktad: Nene dedo, 64 sugatan

MANILA, Philippines - Namatay ang 5-anyos na batang babae habang 64 iba pa ang nasugatan makaraang bumaliktad ang sinasakyang trak sa kahabaan ng highway sa bayan ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental  kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Gia Mae Monta habang naisugod naman sa Bacolod City  Adventist Medical Center ang mga sugatang biktima kabilang ang driver ng trak (FWK 986) na si Julybert Gon­zales, 50.

Sa ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naganap ang sakuna bandang alas-5:45 ng hapon sa highway ng Brgy. Pandano.

Base sa imbestigasyon, bumabagtas sa highway ang trak ng mawalan ng kontrol sa manibela ang driver matapos itong masiraan ng makina.

Bunga nito ay bumaliktad ang sasakyan sa kaliwang bahagi ng highway kung saan malubhang na­sugatan ang mga biktima.

 

Show comments