MANILA, Philippines - Lima-katao ang iniulat na nasawi habang anim iba pa ang nawawala makaraang matabunan ng putik mula sa kabundukan ang mga manggagawa ng pribadong kumpanya sa Mahiao Complex, Barangay Lim-ao sa bayan ng Kananga, Leyte kahapon. Sa inisyal na ulat ng Office of Civil Defense Region 8, naganap ang landslide bandang alas -10 ng umaga kahapon. Ayon kay Ormoc Mayor Eric Codilla, lima pa lamang sa bangkay ang narekober habang patuloy ang paghahanap sa iba pa. Sugatan naman nailigtas sina Jobert Ayunan, Lamerito Mananatao, Ronelo Basa, Binondo Realo, Brigildo Edar, Mario Sajaba, at si Aaron Alema. Bigla na lamang gumuho ang lupa habang abala ang mga contractor at manggagawa sa landslide mitigating project. Nagpapatuloy naman ang search and retrieval operations upang mahanap ang mga nawawala pang biktima.