MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng kasong kriminal ang tatlo sa apat na naarestong suspek sa pangunguna ng isang Brgy. Chairman na responsable sa pagtatakas sa 3 Chinese big-time drug lord sa Trece Martires City, Cavite noong Pebrero 20.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., nangunguna sa mga isinailalim na sa inquest proceedings sa Cavite Provincial Prosecutor’s Office nitong Sabado ng umaga si Leovino Fontanilla, Brgy. Chairman sa Tansang Luma, Imus City, Cavite; ipinagharap ng kasong paglabag sa PD 1868 (obstruction of justice) at paglabag sa Article 306 ng Revised Penal Code (Brigandage).
Nahaharap din sa kahalintulad na kaso ang dalawa pa na sina Emiliano Quilicol at Rene Bersales. Bukod dito karagÂdagan ding asunto ang isinampa laban sa dalawa sa paglabag sa Comelec gun ban matapos makumpiskahan ng mga armas.
Samantala, ikinokonsidera namang state witness ang ikaÂapat na suspek na si Rodel Cambongga na siyang nagturo sa tatlo nitong mga kasamahan sa pangunguna ni Fontanilla na isa umano sa nagplano ng pagtatakas sa tatlong Chinese drug lord.
Magugunita na noong Miyerkules, dakong alas-10 ng umaga ay hinarang at itinakas ng 20 armadong kalalakihan na kinabibilangan ng mga suspek ang tatlong Chinese drug lord na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy, misis nitong si Wang Li Na at Li Tian Hu habang patungo sa paglilitis ng korte sa Trece Martires City.
Nagsilbi namang susi sa pagkakaaresto sa mga suspek ang resibo ng LBC na nakapangalan kay Cambongga na naÂiwan sa inabandonang puting van (WTT-544) na ginamit na get-away vehicle na pinagsakayan sa 3 Chinese drug lord. Cristina Timbang /Joy Cantos