MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang ginagamit ng sindikato ng droga ang 10-anyos na Grade III pupil matapos nasamsaman ng plastic sachet ng shabu na aksidenteng nahulog mula sa pagkakasingit mula sa notebook nito sa kanilang classroom sa Bacolod City kamakalawa.
Sa ulat ni P/Supt. Santiago Rapiz, Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group Chief ng Bacolod City PNP ang bata ay itinago sa pangalang Luis bunga ng pagiging menor-de-edad nito.
Base sa imbestigasÂyon, naghahanap ng ballpen ang bata nang malaglag sa notebook nito ang shabu na agad namang nakita ng kaniyang guro na ini-report ang insidente sa kanilang principal.
Dahil sa hinalang droga ang laman ng nasabing sachet ay itinawag nila ito sa pulisya kung saan nakumpirma namang positibong shabu ang laman ng plastic sachet.
Sinabi naman ni Rapiz na patunay lamang ito na ginagamit ng drug dealer ang mga bata bilang courier ng shabu.
Hindi naman tinukoy ng opisyal ang pangalan ng eskuwelahan sa pakiusap na rin ng principal.
Inalerto rin ang mga magulang ng mga estudyante na bantayang mabuti ang kanilang mga anak.