IBA, Zambales, Philippines – Naglaan ng P64-milyong tulong-pinansyal ang pamahalaan ng Zambales para sa 230 barangay upang higit na makapagbigay ng serbisyong publiko ang mga barangay councilmen.
Ito ang pahayag ni Gov. Hermogenes Ebdane Jr. kasabay sa kanyang ikatlong State of the Province Address (SOPA) sa pagbubukas ng sesyon ng Zambales provincial board.
“Magkakaroon ng P200,000 cash ang bawat barangay sa Zambales sa ilalim ng aid to barangay program, bukod pa sa mga sasakyang binili para sa mga barangay federations sa 13 bayan ng Zambales†dagdag pa ni Ebdane.
Pinasalamatan naman ng mga opisyal ng barangay ang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Palauig ABC president Paquito Mojica na siyang tumanggap ng sasakyan mula kay Gov. Ebdane.
Gagamitin naman ng Barangay Del Pilar sa bayan ng Castillejos ang P.2 milyong pondo para makabili ng computer set, pagsasaayos ng barangay plaza at senior citizens building, ayon kay Chairman Jesus Quimen, pangulo ng Castillejos Barangay Federation.
Sa kanyang SOPA, ipinangako ni Ebdane na magpapatuloy ang kanyang administrasyon sa pagbibigay ng serbisyo sa ilalim ng Blueprint 2020, ang comprehensive provincial development plan na ginawa ng kanyang administrasyon.
Nagpasalamat din si Ebdane sa tulong at suporta ng mga Zambaleño sa kanyang mga programa.