CAVITE, Philippines - Masaklap na kamatayan ang sinapit ng 33-anyos na mister matapos itong makuryente habang naliligo sa palikuran ng kanilang bahay sa Barangay Poblacion 4 A, Imus City, Cavite kamakalawa ng hapon. Kinilala ni SPO1 Jose Mangmang ang biktima na si Michael Samson habang sugatan naman ang tumulong kay Samson na sina Rommel Buado, Nenen Buado, at si Benjamine Tempural na pawang nakatira sa Maluto Compound sa nasabing lungsod. Batay sa police report, naliligo ang biktima nang mapahawak sa talop na linya ng kuryente kung saan ito nagkikisay. Sumaklolo naman ang tatlo subalit nakuryente rin at naisugod sa ospital.