MANILA, Philippines - Nasakote ng mga operatiba ng pulisya ang isang pinaghihinalaang notoryus na illegal recruiter sa isinagawang operasyon kamakalawa sa lalawigan ng Agusan del Norte.
Kinilala ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba ang nasakoteng suspek na si Edilberto Bercade, residente ng Brgy. La Fraternidad, Tubay, Agusan del Sur.
Bandang alas-4:45 ng hapon ng maaresto ang suspek sa loob ng tahanan nito.
Ayon kay Gamba ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Malabon City Regional Trial Court (RTC) Judge Zaldy Docena sa kasong large scale illegal recruitment.
Kasalukuyan na ngayong humihimas ng rehas na bakal ang suspek sa Tubay Municipal Police Station sa Agusan del Norte.