TUGUEGARAO CITY, Philippines – Umaabot sa 20-katao ang iniulat na nalason matapos uminom ng tubig-balon na sinasabing kontaminado ng pestisidyo noong Huwebes sa Barangay Peñablanca, Cagayan. Sa pahayag ni Peñablanca Mayor Marilyn Taguinod, pinaniniwalaang nasipsip ng tubig sa mga Barangay ng Lupi at Minanga ang sinasaboy ng mga magsasaka na pestisidyo at herbicide sa kanilang pananim sa kabundukan. Ayon sa alkalde, malaking posibilidad na inaanod ng tubig ulan ang lason patungo sa mga balon na nasa mababang lugar sa dalawang barangay. Ang mga biktima ay dumanas ng pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng tiyan at pagdudumi kaya isinugod sa mga pribadong pagamutan na babalikatin ng munisipyo ang pagpapagamot.