MANILA, Philippines - Limang suspek sa pagpatay ng isang Hapones noong Disyembre 2012 sa Cavite kabilang ang misis nitong Pinay ang nasakote ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa follow-up operation sa Dasmariñas City sa lalawigan kamakalawa.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Samuel Pagdilao Jr., ang mga nasakoteng suspek na sina Merlinda Soria na kilala rin bilang Melinda Niikura, Gabriel Soria, Mark Anthony Soria, Gil Brown Ilag at ang itinuturong gunman na si Arnold Marcos. Ang mga suspek ay pawang magkaka-pamilya habang si Merlina naman ay misis ng pinaslang na Hapones.
Ang mga suspek ay nasakote nitong Biyernes ng umaga sa serye ng hot pursuit operations sa Brgy. Sto. Niño at Poblacion ng lungsod.
Inaresto ang mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay ng pagbaril at pagkakapatay sa 61-anyos na biktimang si Hideo Niikura noong Disyembre 29 ng nakalipas na taon.
Nakumpiska mula kay Marcos ang isang cal. 45 caspian pistol at isa ring cal .45 pistol mula naman kay Mark Anthony.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na si Merlinda ang nag-utos na paslangin ang kaniyang asawa dahilan umano sa usapin ng pera at umano’y pisikal nitong pangaabuso sa kaniya.
Nabatid na sina Gabriel, Mark Anthony at kaibigan ng mga itong si Brown ang umupa ng hired killer na binayaran ng P 100,000 para paslangin ang matandang Hapones.