Taxi driver inutas sa saksak ng 16-anyos

MANILA, Philippines - Dahil sa pagtatalo sa pasahe, napatay ang taxi driver matapos pagsasaksakin ng 16-anyos na binatilyo sa bahagi ng Sitio Caimito, Brgy. Basak-San Nicolas sa Cebu City, Cebu noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang napaslang na si Ruben Sacedon Jr., 43, driver ng Tiger Taxi, ng 58-B Don Bosco Road, Barangay Punta Princesa.

Si Sacedon ay namatay habang ginagamot sa Cebu City Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman ng pulisya ang suspek na itinago sa pangalang Michael ng Barangay Mambaling.

Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pinara ni Michael ang taxi ni Sacedon sa Barangay Mambaling at nagpahatid sa Barangay San Isidro, Talisay City.

Nang makarating sa nasabing barangay ay sinabi ni Michael sa driver na nakalimutan nito ang kaniyang pitaka.

Nagpahatid  naman ang suspek sa Brgy. Basak-San Nicolas para manghiram ng pera sa kanyang ninong na pambayad sa biktima.

Pagsapit sa nasabing lugar ay nagtalo ang dalawa kung saan hindi naniwala ang biktima sa alibi ng suspek na may mahihiramang pera na humantong sa pananaksak.

Sa follow-up operation ng pulisya, nasakote naman ang  binatilyo matapos itong ituro ng mga bystander na may bahid ng dugo sa katawan ang suspek habang tumatakbo mula sa tinakasang taxi.

 

Show comments