MANILA, Philippines - Patay ang isang 9- anyos na batang lalaki habang nasugatan naman ang nakatatanda nitong kapatid at tiyahin makaraang lamunin ng apoy ang kanilang tahanan sa Brgy. Poblacion, Lapu-Lapu City, Cebu kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na halos nagmistulang uling na si Chilmer Mangubat na ang labi ay nakita sa loob ng silid nito sa ikalawang palapag ng kanilang tahanan.
Ang mga nasugatan ay ang 12- anyos nitong kuya na si Mark at tiyahing si Cherryl Abing na kapwa nagtamo ng 1st degree burn sa kanilang mga katawan.
Sa ulat ng Lapu-Lapu City Fire Department, naganap ang sunog bandang alas-11:45 ng gabi sa nasabing lugar kung saan mabilis ang mga itong nagresponde.
Nabatid na kasalukuyang natutulog ang mag-asawang Mangubat sa unang palapag ng kanilang tahanan habang ang tiyahin naman at ang mga bata ay sa ikalawang palapag.
Naalimpungatan na lamang ang mag-asawa matapos na balutin ng apoy ang buong kabahayan kung saan nakulong sa sunog ang nasawing biktima na mahimbing na natutulog.
Nagawa namang makaligtas ng iba pa sa mga ito pero sugatan ang magtiyahin.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naputulan ng kuryente ang pamilya dahilan tatlong buwan ang mga ito ng hindi nakabayad ng kanilang elektrisidad kung saan gumagamit lamang ang mga ito ng kandila na kanilang pinapatay bago matulog.
Pinaniniwalaan namang alinman sa naiwang nakasinding mosquito coil ang sanhi ng sunog habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.