MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang alitan sa lupa kaya napatay ang 42-anyos na ginang matapos na pagtatagain ng nakatatanda nitong kapatid sa Bayugan City, Agusan del Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/ Supt. Martin Gamba, Caraga PNP spokesman ang biktima na si Rosita Tumaquin na idineklarang patay sa New Bayugan Medical Hospital bunga ng maraming sugat sa katawan.
Nahaharap naman sa kasong kriminal ang suspek na si Bebenciolo Tumaquin, 54, may asawa at kapitbahay ng pinaslang na kapatid.
Sa police report na nakarating sa Camp Crame, bandang alas-4 ng hapon ng maganap ang krimen sa Purok 4, Barangay Grace State.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na muling nagtalo ang magkapatid dahil sa alitan sa lupa na pamana ng kanilang mga magulang kung saan nauwi sa pananaga.
Matapos pagtatagain ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Naglunsad na ng malawakang hot pursuit operations ang pulisya laban sa suspek.