MANILA, Philippines - Nakamit muli ng Laoag City Children’s Choir ang titulo sa children’s division habang hinirang namang kauna-unahang kampeon mula sa Mindanao ang Capitol University Glee Club ng Cagayan de Oro sa pagsasara ng 2012 MBC National Choral Competitions sa Aliw theater noong Biyernes (Dec 7).
Sa pagkumpas ni Egdonna Legaspi, tinalo ng Laoag ang Batasan-Commonwealth Singing Voices, habang nakamit naman ng Himig Bulilit mula St. Paul College-Parañaque at Banga Central Elementary School ng South Cotabato ang ikatlo at ikaapat na puwesto.
Sa ilalim ni Ritchi Asibal, ipinamalas ng Capitol ang wastong pagtutugma ng mga boses sa pantay na hanay ng pinakamagagaling na koro ng Northern Luzon, Western Visayas at Mega-Manila.
University of Baguio Voices Chorale ang pumangalawa sa open category habang ika-3 ang Kammerchor Manila, at ika-4 ang Kinaadman Chorale ng Iloilo.
Ang 2008 open champion Coro de Manila ang hinirang na Best Show Choir habang si Normita Rio-Pablico ang nagkamit ng Best Original Novelty Arrangement para sa “Piliin Mo ang Pilipinas,” na inawit ni Regina Coeli.
Handog ng Manila Broadcasting Company at Star City, ang 2012 MBC National Choral Competition ay tinangkilik din ng Globe Telecom, Flanax, Coca-Cola, Alaska, Barako Bull, M. Lhuillier, at Max’s Restaurant.