ZAMBALES , Philippines — Tatlong Korean vessels na sinasabing hindi nakapagbabayad ng P100-milyong buwis sa pamahalaan ang kinumpiska ng mga operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Task Force-Revenue Enhancement for the Attainment of Collection Targets ng Bureau of Customs kamakalawa sa bayan ng Masinloc, Zambales.
Sa bisa ng warrant of seizure and detention, agad na pinakordon ni Dr. Richard Rebong, hepe ng Intelligence Division ng CIIS, ang tatlong barko na sinasabing ginagamit sa pagmimina ng milyong halaga ng nickel mineral ore mula sa mga bayan ng Masinloc at Sta. Cruz bago dinadala sa China.
Kabilang sa kinumpiska ay ang tugboat na T/B Shinyang at dalawang barge na B/G Shinyan at B/G Shinyang 7008 kung saan bukod sa hindi pagbabayad ng buwis simula nang mag-umpisa ang kanilang operasyon ay hindi pa ito nakarehistro sa MARINA para maipa-convert sa domestic vessels.
Bukod sa hindi pagbabayad ng milyong halaga ng buwis sa gobyerno ay walang maipakitang kaukulang dokumento ang may-ari nito para sa operasyon ng minahan sa bayan ng Masinloc.
Sa pahayag ni Dr. Rebong, isang nagngangalang Joon Park ng Neo Ocean Trading Corp-Phils. na sinasabing rehistradong Korean investor sa Subic Bay Metropolitan Authority ang may-ari ng mga barko.
Pansamantala ng inilagak ang mga barko sa Port of Masinloc dadalhin sa Subic Bay Freeport kung saan ipapa-auction pabor sa gobyerno para makalikom ng malaking halaga ng buwis.
Pinasalamatan naman ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang grupo ni Rebong dahil sa tagumpay ng kanilang operasyon.