MANILA, Philippines - Anim na miyembro ng magkalabang angkan ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan sa naganap na clan war sa isang liblib at bulubunduking lugar sa bayan ng Bumbaran, Lanao del Sur, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni Sr Supt. Romeo Magsalos, Provincial Police Office (PPO) Director ng Lanao del Sur, kabilang sa mga nasawi ay isa mula sa angkan ng mga Maranao at lima naman mula sa angkan ng mga Iganon kung saan dalawa sa mga ito ang nasugatan kabilang ang isang kritikal ang kondisyon. Ang mga biktima ay hindi naman natukoy ng opisyal ang mga pagkakakilanlan.
Base sa naantalang ulat, bandang alas-6 ng gabi noong Huwebes ng paslangin ang limang miyembro ng angkan ng mga Iganon matapos na pagbabarilin sa hangganan ng Barangay Abening at Mansilado ng bayang ito.
Bago ito ay isa sa mga Maranao ang pinaslang ng kalaban nilang tribo na pinagtataga rin sa lugar.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon, ayon kay Magsalos na rumesbak ang grupo ng mga Maranao kaya pinatay ang lima sa kanilang mga kaaway na mortal.
Nagdeploy na ng karagdagang mga operatiba ng pulisya sa lugar upang pairalin ang peace and order.