MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang iniulat na napatay habang apat naman ang nasugatan kabilang ang isang sibilyan makaraang ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA ang detachment ng militar na nagsasagawa ng peace and development program sa Barangay Antipolo sa bayan ng Albuera, Leyte noong Huwebes ng gabi.
Gayon pa man, pansamantalang hindi tinukoy ang pangalan ng dalawang sundalo dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.
Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang tatlong sundalo at ang sibilyang si Edgar Boringa.
Sa ulat ni Col.Rafael Valencia, commander ng Army’s 802th Infantry Brigade, pinaputukan ng mga rebelde ang base ng Alpha Company ng Army’s 78th Infantry Battalion kung saan napatay ang dalawang sundalo at sugatan naman ng tatlong iba pa.
Ang nasabing tropa ng mga sundalo ay nangangasiwa sa seguridad ng mga miyembro ng Bayanihan Team ng Army’s 19th Infantry Battalion na nagsasagawa ng peace and development program sa Barangay Rubas, Jaro.
Magugunita na noong Nobyembre 30, 2012 ay isang sundalo ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan mula sa mga elemento ng Army’s 78th Infantry Battalion ng tambangan ng mga rebelde sa Barangay San Pedro, Albuera, Leyte.