CAVITE, Philippines - Nasilat ng mga operatiba ng pulisya ang tangkang panghoholdap sa sangay ng Western Union matapos napatay ang tatlong armadong kalalakihan sa naganap na shootout kahapon ng umaga sa Dasmariñas City, Cavite.
Isa sa mga napatay na holdaper ay si Reynaldo Oferania habang patuloy pang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Sa ulat ni Police Regional Office 4 A director P/Chief Supt. James Melad, bandang alas-8:15 ng umaga nang maharang ng pulisya ang tatlo na planong holdapin ang Western Union sa Barangay Luzviminda II.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may hoholdaping establisyemento ang tatlong magkakaangkas sa motorsiklo.
Nang maaktuhan ng mga operatiba ng pulisya ang tatlo na umaaligid sa nasabing lugar ay agad naalarma ang mga nakatunog na holdaper.
Tangkang sisitahin ng pulisya ang tatlong nakamotorsiklo nang magpaputok ito ng baril kung saan nauwi sa shootout.
Sa kasagsagan ng putukan ay magkakasunod na bumulagta ang tatlo habang wala namang nasugatan sa panig ng pulisya.